MALAKING palaisipan kay Sen. Risa Hontiveros kung bakit hindi pa pinipirmahan ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang request niyang subpoena para kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy para dumalo sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality kaugnay sa mga illegal na gawain nito sa kanyang mga tagasunod.
Sa Kapihan sa Senado kanina, inihayag ni Hontiveros na nagpadala na siya ng liham kay Zubiri na humihiling ng lagdaan ang subpoena para maipadala kay Quiboloy dahil ilang beses na pang-iisnab sa imbitasyon ng komite ngunit hindi ito nilalagdaan hanggang ngayon ni Zubiri.
“For the information of the Senate President, Mr. Quiboloy has failed to honor the invitation of the Committee in its hearing on January 23, 2024, and the Senate has, under your leadership and the leadership of past Senate Presidents, consistently issued subpoenas against resource persons who fail, without justifiable reason, to attend its inquiries,” ani Hontiveros sa kanyang liham kay Zubiri.
“To further update you, in the days and weeks after the hearing, my office is in receipt of credible evidence of threats on the lives of our first two witnesses and potential witnesses,” dagdag niya.
Sa unang pagdinig ng komite ay idinetalye ng tatlong babae, isang Pinay at dalawang Ukranian, kung paano sila ginahasa ni Quiboloy habang sila’y pastoral ng sekta.
Naging spiritual adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Quiboloy at wanted sa US Federal Bureau of Investigation bunsod ng mga kasong sex trafficking, fraud, coercion, at bulk cash smuggling. (ROSE NOVENARIO)