Sat. Nov 23rd, 2024
Rev. Glofie Baluntong

GENEVA, Switzerland—Nagbigay ng oral statement ang isang pastor ng United Methodist Church (UMC) sa Pilipinas sa nagpapatuloy na 55th session ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) sa lungsod na ito na nagsasalaysay ng harassment laban sa kanya ng gobyerno ng Pilipinas.

Sa interactive na mga diyalogo ng UNHRC sa ulat ng Special Rapporteur on the promotion and protection of human rights and fundamental freedoms while countering terrorism noong Martes, Marso 12, sinabi ni Rev. Glofie Baluntong, dating Mindoro UMC District Superintendent, na nagdurusa siya sa mga panliligalig sa ilalim ng Anti-Terrorism Act of 2020 (ATA, Republic Act No. 11479).

Ayon kay Rev. Baluntong, nagsimula ang lahat noong 17 Hunyo 2019 nang pumasok ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa compound ng kanyang simbahan sa Roxas, Oriental Mindoro ng walang warrant na ibinigay ng korte, at inutusan siyang iharap  ang mga miyembro ng Karapatan Southern Tagalog na kanyang mga bisita. Siya noon ay inakusahan ng pagtulong sa mga umano’y rebelde, idinagdag niya.

“Since then, I have endured harassment, intrusive visits, and questioning by the Armed Forces (of the Philippines),” lahad niya.

Sinabi rin ni Rev. Baluntong, miyembro din ng National Council of Churches of the Philippines, sa international body na siya ay nahaharap sa kasong attempted murder noong 18 Agosto 2021.

“[They cited] an armed encounter that allegedly occurred on March 25 of that year—a day on which I was conducting funeral rites for a departed church member,”  ani Baluntong  sa UN.

“I was also wrongfully charged with [violation of] the Anti-Terrorism Act of 2020, and grave threats from state forces have forced me to flee my town,” dagdag niya.

Sinabi ni Baluntong na sa ngalan ng World Council of Churches, nananawagan sila sa mga miyembrong estado ng UN, kabilang ang Pilipinas, na sundin ang mga rekomendasyon ni UN Special Rapporteur on counter-terrorism and human rights Ben Saul upang matiyak na ang mga batas at gawi ng kontra-terorismo, kabilang ang mga pagsisikap na labanan ang pagpopondo ng terorismo,ay igalang ang mga karapatang pantao.

Binigyan diin ni Baluntong na dapat tiyakin ng mga pamahalaan na hindi nila susupilin ang mga lehitimong aktibidad ng civil society organizations, hindi hahadlangan ang civic space, o hindi pipigilan ang mga makataong pagsisikap.

Nagsalita ang pastor sa mga debate tungkol sa pagsusumite ng ulat ni Saul tungkol sa maling paggamit ng mga hakbang sa kontra-terorismo at kung paano ito maaaring lumabag sa mga karapatan ng mga pinaghihinalaang indibidwal at mapahamak ang kalayaan ng mga inosente.

“Saul’s report testifies to my own lived experience,” sabi ni Baluntong.

Ayon sa human rights group na Karapatan, miyembro ng Philippine UPR (Universal Periodic Review) delegation na dumalo sa kasalukuyang sesyon ng UNHRC dito,  hindi bababa sa 91 indibidwal ang kinasuhan ng gobyerno ng Pilipinas ng paglabag sa ATA at Republic Act No. 10168 o ang batas sa pag-iwas at pagsugpo sa pagpopondo ng terorista. Mayroong hindi bababa sa 27 bilanggong pulitikal na kinasuhan sa ilalim ng dalawang batas.

“Charges under ATA against three political prisoners had been dismissed, but they remain in jail due to other trumped up criminal charges. Eight political prisoners who were detained and faced charges under Republic Act No. 11479 had been released,” sabi ni Karapatan legal counsel Atty. Ma. Sol Taule.

Ang konstitusyonalidad ng Philippine Anti-Terrorism Act of 2020 ay pinaglabanan sa pamamagitan ng ilang petisyon sa Korte Suprema. (ROSE NOVENARIO)

📸Philippine UPR Watch FB page

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *