KUNG si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay naging “tuta” ng China, si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay “sunud-sunuran” naman sa geopolitical interest ng Amerika na nagpapahina sa soberanya ng Pilipinas at naglalagay sa panganib sa seguridad at kapakanan ng mamamayang Pilipino, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN).
Ayon BAYAN, sa kanyang pagsisikap na hamunin ang China, ginagawa ni Marcos Jr. ang buong bansa bilang base militar ng US, lugar ng pagsasanay at tanghalan ng digmaan.
Naniniwala ang BAYAN na may mga mabisang paraan para ipagtanggol at igiit ang ating mga karapatan at hurisdiksyon sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas nang hindi kinakailangang dagdagan ang tropa ng US o magtatag ng karagdagang mga base ng US sa bansa.
“The aim should be to de-escalate and demilitarize the conflict, not the other way around.”
Anang grupo, halimbawa, ang Pilipinas ay maaaring maging mas agresibo at malikhain sa paggamit nito ng diplomasya kahit na pinapanatili nito ang kanyang coast guard at mga patrol ng militar sa lugar.
“We can and should avail of available international legal remedies to hold China accountable for its environmentally destructive island-building activities in our EEZ and challenge its outrightly illegal claims over the South China Sea. All this can be done without the military involvement and interference of the US and its allies,” sabi ng grupo.
Ang masyadong pagdepende anila ni Marcos Jr. sa sandatahang lakas ng US para sa panlabas na depensa ng bansa ay lalong nagpapalaki sa tunggalian sa West Philippine Sea at maging sa Taiwan Strait, na naglalapit sa bansa sa isang digmaan sa China.
Isiniwalat ng BAYAN na nitong mga nakaraang linggo ay nagkaroon ng malaking pagtaas sa presensya ng mga tropa ng US, mga sasakyang militar at kagamitan sa bansa.
Noong Marso 24, dumating sa Maynila ang USS Ronald Reagan Carrier Battle Group, na binubuo ng Nimitz-class aircraft carrier na USS Ronald Reagan (CVN 76) at dalawang Ticonderoga-class guided-missile cruisers, ang USS Chancellorsville (CG 62) at USS Antietam ( CG 54).
Kinabukasan, dumating sa Subic Bay ang isa pang aircraft carrier, ang USS Tripoli (LHA 7), kasama ang fleet nito ng advanced F-35B Lightning II aircraft, bilang paghahanda para sa Special Operations sa South China Sea.
Sa huling bahagi ng buwang ito, humigit-kumulang 11,000 tropa ng US, tauhan ng militar at mga kontratista ang sumasali sa pinakamalaking pagsasanay sa Balikatan hanggang sa kasalukuyan, ang highlight nito ay isang maritime sinking exercise sa baybayin ng Laoag, Ilocos Norte, na malapit sa Taiwan.
Gayundin, sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng magkasanib na pagsasanay, isasagawa ang mga aktibidad sa dagat sa labas ng teritoryal na tubig ng bansa.
“These actions by the US military, in cooperation with the Marcos government, escalate the already high tensions in the WPS and Taiwan Strait. At the very least, this gives China an additional justification for more military activities in the said areas,” sabi ng BAYAN. (ROSE NOVENARIO)