MATAPOS uminit ang ulo ay agarang inirekomenda ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada kay Senate Committee on Public Information and Mass Media Chairman Senador Robin Padilla na i-cite for contempt si Jojo Nones isa sa mga inakusahang ni Actor Sandro Muhlach na nangmolestiya at nang-harass sa kanya.
Ayon kay Estrada nabigong sumagot si Nones sa kanyang mga tanong.
Naniniwala si Estrada na nagsinungaling si Nones at ayaw magsabi ng katotohanan sa kanila sa kabila ng mga dokumento at pahayag sa mga naunang pagdinig.
Hindi rin naitago ni Estrada na mapasigaw at mapamura sa galit sa mga ginawang pagsagot ni Nones.
Binigyang-linaw ni Estrada na hindi niya personal na kilala si Nones at wala siyang galit dito gayundin ay hindi kilala si Sandro kundi tanging ama lamang nitong si Nino Muchlach kaya’t walang dahilan para siya ay mamersonal sa kanyang rekomendasyon.
Paglilinaw pa ni Estrada na nais lamang nilang alamin ang buong katotohanan sa reklamo upangmakagawa sila ng mga batas na magbibigay ng dagdag na proteksyon sa mga artistang Pilipino.
Naniniwala si Estrada na hindi lamang sa mga lalaking artista nagaganap ang naturang insidente nguni’t maging sa mga ordinaryong mamamayan at dapat nang wakasan.
Si Nones ay mananatiling nasa poder ng Senado hanggang hindi nakukumbinsi ang mga senador sa kanyang mga sagot, lalo na ni Estrada. (NINO ACLAN)