NANAWAGAN si Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong sa National Bureau of Investigation (NBI) na siyasatin ang naging pahayag kamakailan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte tungkol sa pagpaslang sa 15 senador para maluklok sa Senado ang kanyang mga kandidato.
Sinabi ni Adiong, kung inimbestigahan ng NBI ang umano’y pagbabanta ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Ferdinand Martin Romualdez, dapat din na busisiin ang mga sinabi ng dating pangulo.
hinimok niya ang NBI na suriin kung ang mga ganitong pahayag, lalo na ang mga tumutukoy sa karahasan, ay sakop ng umiiral na mga batas.
Sa proclamation rally ng PDP-LABAN senatorial bets sa Club Filipino kamakailan, iminungkahi ni Duterte sa kanyang talumpati ang bayolenteng paraan upang maluklok sa Senado ang kanyang mga manok.
Sinalubong ito ng malakas na hiyawan mula sa kaniyang mga taga-suporta, na sabay-sabay ding sumigaw ng, “Kill! Kill! Kill!”
Para kay Adiong, hindi dapat isantabi ang mga naturang pahayag lalo na’t may mga insidente na sumusunod ang mga panatiko ni Duterte sa kanyang mga tinuran.
Kahit posibleng ikatwiran ni Duterte na biro lamang ang kanyang mga sinabi, “pero hindi niya puwedeng itago sa joke ang pagbabanta sa mga senador.”
Matatandaan sa anim na taong rehimen ni Duterte, umabot sa mahit 30,000 katao ang pinaslang sa ipinatupad niyang madugong drug war.
“The violence we saw during the Duterte administration is not something to joke about. It has real consequences, and our country continues to deal with the aftermath,” sabi naman ni Taguig City Rep. Pammy Zamora sa isang hiwalay na kalatas.
Hindi aniya maaaaring isulong ang mabuting pamamahala sa pamamagitan ng patayan at ang ganitong uri ng politika ay dapat ibasura.
Hinimok din niya ang mga kapwa mambabatas na itakwil ang anomang pagtatangka na gawing lehitimo ang mga pagbabanta at pananakot bilang bahagi ng diskurso sa politika.
“Hindi ito normal. Hindi natin ito dapat hayaang maging normal,” ani Zamora.
“Enough is enough. We cannot allow our leaders, past or present, to keep making murder sound like a policy option,” dagdag niya.
“Siguro sa kanila wala silang pag-asa kaya papatay na lang sila ng 15 na senador. Eh talagang… Sabagay mahirap naman ‘yung ibang tao ang iniisip lang nila — ang kaisa-isang solusyon sa lahat ng problema ay pumatay pa ng Pilipino,” sabi naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang talumpati sa Davao del Norte rally ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas kahapon. (ZIA LUNA)