ISANG desperadong legal na maniobra para hadlangan ang hustisya at iwasan ang pananagutan ang inihaing petisyon ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa Korte Suprema para ipatigil ang impeachment proceedings sa Senado, ayon sa Makabayan bloc.
“We, the Makabayan bloc in Congress, strongly condemn the desperate legal maneuvers of Vice President Sara Duterte’s camp to obstruct justice and evade accountability through their recent petition to the Supreme Court seeking to halt the impeachment proceedings,” sabi nina ACT Teachers Rep. France Castro, Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas at Kabataan Rep. Raoul Manuel sa isang kalatas.
Anila, ang diskarte ng kampo ni Duterte ay huling pagsisikap upang alpasan ang pagbubusisi sa kuwestiyonableng paggasta ng bise presidente sa daan-daang milyong confidential funds.
“Kung walang tinatago, bakit ayaw humarap? First, she refused to appear in House hearings, now she wants to prevent the impeachment trial altogether,” ayon kay Castro.
Giit ni Brosas, malinaw ang pattern sa mga gawi ni Duterte, hindi haharap sa mga pagdinig sa Kamara at ngayon nama’y nais pigilan ang impeachment court.
Ito aniya ang rurok ng kayabangan at paghamak sa pananagutan sa publiko ni Duterte.
“The pattern is clear – hindi haharap sa House hearings, ngayon naman ay gustong pigilan ang impeachment court. This is the height of arrogance and contempt for public accountability. Ang tanong: saan napunta ang milyon-milyong confidential funds?” ani Brosas.
Binigyan diin ni Manuel na ang kailangan ng sambayanang Pilipino ay kasagutan at hindi ‘legal gymnastics’ at hindi maaaring magtago si Duterte sa likod ng kanyang mga abogado sa Davao habambuhay.
Hamon ni Manuel kay Duterte, kung talagang malinis ang kanyang konsensya, harapin g bise presidente ang impeachment court.
“The Filipino people deserve answers, not legal gymnastics. The Vice President cannot hide behind her Davao lawyers forever. Kung talagang malinis ang konsensya, harapin ang impeachment court,” wika ni Manuel.
Naninindigan ang Makabayan bloc na ang impeachment complaint ay wasto at maayos na inihain, alinsunod sa lahat ng kinakailangan ng Konstitusyon.
Habang ang petisyon na inihain ng mga tagasuporta ni VP Sara anila ay isang malinaw na pagtatangka na ipagpatuloy ang fiscal impunity at protektahan ang isang kultura ng katiwalian.
Nananawagan ang Makabayan bloc sa Korte Suprema na ibasura ang walang basehang petisyon at payagan ang proseso ng impeachment na magpatuloy ayon sa mandato ng Saligang Batas.
Lalo ngayon dapat magpulong ang Senado bilang isang impeachment court nang walang pagkaantala.
“Filipino people deserve no less than full transparency and accountability from their public officials,” pagtatapos ng Makabayan bloc. (ROSE NOVENARIO)