Sat. Aug 8th, 2026

BINULAGA ni Alyansa para sa Bagong Pilipinas senatorial bet at dating broadcaster Erwin Tulfo ang mga taga- Las Piñas City kahapon nang magsagawa ng motorcade sa lungsod at tahasang inendorso ang kandidatura ng tambalang Aguilar-Santos sa May 2025 midterm elections.

Kasama ni Tulfo sa sasakyan sina Vice Mayor at mayoralty candidate April Aguilar, si city councilor at kandidato sa pagka-congressman na si Mark Anthony Santos, councilor candidate Alelee Aguilar-Andanar, at iba pang kandidato sa pag-konsehal ng District 1 at 2.

Marami ang nagtaasan ang kilay dahil kasama ni Tulfo sa administration senatorial slate si Rep. Camille Villar-Genuino pero siya mismo at ni isa sa Team Villar ay hindi kasama sa motorcade gaya nina Sen. Cynthia Villar, Carlo Aguilar at Louie Bustamante.

Matapos ang halos isang oras na motorcade, dumiretso si Tulfo sa Las Piñas city hall at nakipag-usap sa lahat ng kandidato sa pagka-konsehal sa District 1 at 2, na mga miyembro ng National People’s Coalition (NPC) matapos umalis sa Nacionalista Party ng mga Villar noong isang taon.

Mahabang oras ang naging huntahan nina Mayor Mel, Vice Mayor April, Councilor Santos kasama ang mga nominee ng ACT-CIS Partylist at mga opisyales ng city hall.

Inihayag ni Tulfo kina Mayor Mel, Vice Mayor April at Konsi Mark ang mga ibinigay na tulong ni dati at yumaong Mayor Nene Aguilar noong siya ay muling bumalik sa Pilipinas mula America at na-assign sa Las Pinas bilang beat reporter ng isang broadsheet newspaper 25 taon ang nakakaraan.

Bago pa man maghain ng kanilang certificate of candidacy noong Oktubre 2024 ay lumipat na sa NPC sina Mayor Mel, Vice Mayor April at lahat ng kandidato sa pagka-konsehal sa District 1 at 2.

Si congressional candidate at beteranong local lawmaker na si Santos naman ay nanatiling independent candidate subalit kaalyado ng mag-inang Aguilar.

Nabatid na noong Enero 12, 2025 sa pagdalaw ni presidential sister at Sen. Imee Marcos sa Las Pinas ay hindi inimbita ni Sen. Cynthia ang mga ka-ticket ng mga Aguilar sa partido at si Santos.

Habang ang iba pang kasama sa administration senatorial lineup na sina dating Senate president Tito Sotto, re-electionist Sen. Lito Lapid, Mayor Abby Binay ay mga miyembro ng NPC, si dating Sen. Ping Lacson naman ay guest candidate ng partido.

Inaabangan ng marami sakaling maglunsad din ng motorcade o political rally sa lungsod sina Sotto, Lapid, Binay at Lacson, sino kaya ang kanilang ieendorso sa pagka-mayor at vice mayor? Si April Aguilar kaya bilang NPC member o si Carlo Aguilar na miembro ng NP?

Magkasama sa Alyansa sina Rep. Camille, Sotto, Lapid, Binay at Lacson sa national elections pero pagdating sa lokal na halalan ay magkalaban ang NPC at NP.

Pamilya Balimbing?

Ayon sa ilang political observers sa Las Pinas, hindi na nakapagtataka kung “bumalimbing” man ang mga Villar sa politika dahil nagawa na nila ito noon pang dekada ’90.

Noong 1998 ng naging Speaker si Las Pinas Rep. Manuel Villar ang partido niya ay Laban ng Makabayang Masang Pilipino (LAMMP) na pinamumunuan ni dating Pangulong Joseph Estrada.

Umalis si Rep. Manny sa LAMMP dahil pinangunahan niya ang impeachment laban kay Estrada sa mga alegasyon ng katiwalian noong Nobyembre 2000. Gayunpaman, pinatalsik siya bilang speaker ng mga kaalyado ni Estrada, na pinalitan siya ng kinatawan ng Camarines Sur na si Arnulfo Fuentebella.

Kumandidato si Rep. Manny bilang independent senatorial candidate ngunit nangampanya bilang miyembro ng People Power Coalition at naluklok sa Senado noong 2001.

Noong 2004, napunta kay Sen. Manny ang NP mula sa orihinal na liderato ni dating Vice President Doy Laurel.

Kalaunan, pati ang mga ari-arian ng mga Laurel sa Mandaluyong City ay nabili ng pamilya Villar.

Si Sen. Manny ay muling nahalal noong 2007, tumakbo bilang miyembro ng Genuine Opposition coalition na kalaban ng administrasyon ni noo’y Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa pangkalahatang halalan noong 2010, ang NP at ang NPC ay bumuo ng isang alyansa matapos itong aprubahan ng Commission on Elections (Comelec) at pinili ni Villar bilang running mate si Sen. Loren Legarda na miyembro ng NPC.

Inayos ni Sen. Manny Villar ang senatorial slate ng kanyang tiket, na binubuo nina Pia Cayetano at Bongbong Marcos ,na sumali sa Nacionalista kasama ang kanyang pamilya dahil sa alitan sa mga miyembro ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL). (ZIA LUNA)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *