NAGHAHANDA na ang karamihan sa atin sa nalalapit na pagdating ng taong 2024.
Ano na nga ba ang hitsura ng bagong taon sa ‘Pinas kung walang ingay at magarbong mga kulay ng paputok?
Ang bayan ng Bocaue sa lalawigan Bulacan ay kilalang manufacturer ng mga pyrotechnics sa bansa.
Tiba -tiba ang mga negosyante dahil marami ang dumadayo rito para bumibili nang bultuhan o ‘wholesale’ para ibenta sa merkado sa mataas na presyo.
Naging gawi na ito mula pa noong unang panahon at naging malakas ang negosyo sa nakararami.
Madalas ay hindi alintana ng ilan ang panganib na naidudulot nito sa buhay at kalusugan ng tao.
Maraming insidenteng nasasabugan ng mga paputok.
Sa katunayan, 32 aksidente ang naitalang biktima ng paputok noong isang taon lamang.
Ito ay 39% na mas mataas kumpara noong 2021.
Ayon sa DOH sentinel hospitals, nakitaan ng 22 o 69% na ang insidente ay nangyayari sa kapaligiran ng bahay at may talang 10 o 31 porsiyento naman sa kalye.
Naihayag din ng DOH na 91 porsiyento sa mga biktima ay mga lalake at nasa edad na isa hanggang 64.
Tinatayang 16 na biktima ang nasira ang mata at dalawa dito ang naputulan ng mga daliri.
Maigi na lamang at walang buhay ang nasawi noong nakaraang taon sa mga insidenteng naitala dahil sa panganib ng paputok.
Minalas naman ang mga biktima ngayon taon na nagbuwis buhay dahil lamang sa mga paputok.
Ayon sa Philippine National Police ay 2 ang nasawi at 10 ang sugatan bunsod ng insidente ng paputok sa buong bansa nitong December 25.
Nakakumpiska ang PNP nang 34,031 na ipinagbabawal na paputok gaya nang piccolo, poppop, five-star, pla-pla, judas belt, “sawa” at iba pa na umabot sa halagang P180, 240.
Ang pyrotechnics industry ay nagmula sa bayan ng Sta. Maria sa lalawigan ng Bulacan noong 1867.
Si Valentin Sta. Ana ay na-master ang paggawa ng paputok mula sa isang prayle kung saan siya ay tinuruan nang paggawa ng ‘kwitis’, para gisingin ang mga parokyano at magsimba sa Misa de Gallo.
Kalaunan ay ipinasa ni Valentin ang kanyang kaalaman sa mga anak na sina Valerio at Fernando.
Sila rin ang nag-mamayari ng pinakamaling pyrotechnics na kumpanya sa bansa.
Ang Bocaue, Bulacan ay siyang pinaka-sentro ng kalakal nang paputok sa bansa at naging major contributor nang pag-empleyo at ekonomiya sa probinsya .
Lumawak ang kalakalan hanggang Baliuag, San Rafael, San Ildefonso, Norzagaray at Angat.
Ang mga Intsik ang nag-develop ng unang paputok mula pa noong second century BC.
Nagmula ito mula sa paghagis ng kawayan sa apoy at ito ay pinasasabog.
Mula noong 600AD hanggang 900AD, isang Intsik naman ang nakadiskubre ng ‘gunpowder’sa pinaghalong potassium nitrate, sulfur at uling.
Ang mga pinaghalong kemikal na ito ay nilalagay sa buho para maging paputok.
Bagama’t bahagi ng tradisyong Pinoy at nakaa-aliw ang mga paputok sa ganitong okasyon, marami rin panganib itong dulot.
Ang Republic Act 7183 ay ginawa para bantayan, i-regulate, at maiwasan ang panganib na nakaamba sa paggamit ng paputok sa ganitong mga okasyon sa bansa.
Todo bantay ngayon ang DILG at mga awtoridad sa pagsawata sa mga pinalulusot na mapanganib at malalakas na paputok lalo na nga at nalalapit na ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Bigyan tapang sana ng LGU ang pag-implenta ng designated areas para sa mga fireworks display at maging mahigpit ito sa pagpapatupad RA 7183 o “An Act Regulating the Sale, Manufacture and Use of Firecrackers and Other Pyrotechnic Devices, and the promotion of health and safety and general welfare of the people, in accordance with Section 16 of Republic Act No. 7160 or the Local Government Code of 1991”.
Ang batas na ito ay kadalasang dine- deadma ng karamihan lalo na sa barangay level dahil na rin sa di mapigilan at “walang pangil” ang mga kawani.
Hihintayin pa ba natin ang magkaroon ng sakuna bago natin aksyunan ang mga pinagbabawal na ito?
Sinisiguro ng batas na ito na ang mga kumpanyang gumagawa ng illegal na paputok ay nababantayan nang husto.
Isa ring dapat pagtuonan ng awtoridad ay ang panganib sa kalusugan ng nasasakupan.
Kahit na anong paalaala mula sa DOH ay parang tengang-kawali ang ibang kababayan natin.
Kesehodang paulit-ulit ang mga babala sa panganib ng paputok gaya nang pagka-lason, pagka-putol o amputation ng mga apektadong parte ng katawan, pagka-paso, tetanus o pagka-matay, ay di alintana nang mga nagsasaya sa pamamagitan nang pag-papaputok. Puede namang mag-saya sa pamamagitan ng pagpapaputok pero gawin sa maayos na paraan na walang nasasaktan o nagbubuwis ng buhay.