MISTULANG kinumpasan ng fairy godmother ang isang pamilya ng mga politiko sa Metro Manila sa biglang lobo ng kanilang kayamanan sa mahigit isang dekada nilang pananatili sa poder.
“Paano nga sila yumaman?”usisa ng pinaka-naive sa mga Chismosa sa Monumento.
Aba’y family business na pala ng Pamilya Sugarol ang pagiging contractor kaya lahat infrastructure projects sa kanilang siyudad ay kanilang nakorner.
“Hindi lang infra ang hawak nila, pati gamot, printing, at maging sahod ng job order workers, nasa bulsa na ng Pamilya Sugarol,” pagbibida ng lider ng Chismosa sa Monumento.
Kaya pala raw mistulang may balon ng pera na pansugal ang mga miyembro ng kanilang pamilya at laman ng mga casino sa abroad.
“Ang malupit pa, ang tumulong sa kanilang masungkit ang pagiging local chief executive ay kanilang tinanggal matapos maituro ang tamang campaign strategy at maipakilala sa kanila ang mga tumayang negosyante kapalit ng mga proyekto,” sabat ng isa pang miron.
Pero mukhang tagilid na ang Pamilya Sugarol sa 2025 elections dahil desididong sagupain sila sa halalan ng isang pamosong personalidad na ang libangan ay bantayan ang kaban ng bayan.
CLUE:
Nagpapalitan lang ang magkakapamilya sa puwesto sa kanilang siyudad na hindi biro ang laki ng sukat pero kulelat ang mga residente sa mga biyaya ng lungsod.
Paano nga naman lalapitan ng suwerte ang mga kawawang residente ng lungsod kung nabudol sila ng Pamilya Sugarol.
‘Yun na!