Thu. Nov 21st, 2024

MISTULANG pelikulang flop ang mga pagsusumikap ng kampo ng mga Duterte na pahinain ang gulugod ng administrasyong Marcos Jr. gamit ang mga isyu ng pagkadismaya raw ng militar sa bubuhaying peace talks ng gobyerno sa mga rebeldeng komunista at reporma sa pension system ng mga unipormado, at walang habas na red-tagging sa mga progresibong mambabatas.

Inakala ng mga kaalyado ng mga Duterte na uubra pa ang astang maton ni dating Pangulong Digong na binubu-bully ang mga taong hindi pabor sa kanyang diskarte.

Ang mga dating pagbabanta ni Digong sa kanyang mga kritiko ay hindi na umubra ngayon dahil wala na siya sa puwesto at hindi na lusot sa mga asunto, kaya nga kinasuhan siya ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro.

Hindi na rin puwede ang kanyang pagmamaliit sa mga institusyon ng pamahalaan gaya ng Commission on Audit (COA) na pinanindigan ang ulat na ang P125 milyong confidential funds ni Vice President Sara Duterte ay ginastos lamang sa loob ng 11 araw noong 2022.

Nagmukhang “kengkoy” ang dalawang retiradong opisyal ng miitar na nanawagan ng withdrawal of support laban kay Marcos Jr. dahil wala halos pumatol o nilangaw.

Ibig sabihin, kahit “gumuho” na ang UniTeam, hindi pa rin kursunuda ng mga unipormado na maging Commander-in-Chief si VP Sara.

Sabi nga ng ilang political observers, ang suporta kay Digong ay hindi nailipat kay VP Sara kaya naging kwitis lang ang inaasahang “pasabog” na kudeta.

Naging abala si Digong at kanyang mga kaalyado sa pagbatikos kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Speaker Martin Romualdez sa nakalipas na tatlong buwan kaya’t hindi nila namalayan na umuusad ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity kaugnay sa mga patayan sa madugong Duterte drug war.

May pinalutang pa ang kanilang mga kaalyado na “polvoron video” raw ni Marcos Jr. o ebidensya na gumagamit talaga  siya ng illegal drugs, base na rin sa naunang pahayag ni Digong noong Abril 2022 na may isang presidential bet na “cocaine user.”

Ang mga nabanggit na pakana ng kampo ni Digong ay hindi nakahakot ng suporta sa masa.

At ngayong hindi na maitago ng mga kakampi ng administrasyong Marcos Jr. na tapos na ang imbestigasyon ng ICC kay Digong at ilang buwan na lamang ay maaaring lumabas na ang international warrant laban sa kanya, parang binuhusan ng malamig na tubig ang dating pangulo

Nanawagan siya sa isang press conference noong Sabado na gusto niyang makipag-usap kay Marcos Jr tungkol sa SMNI na sinuspinde ng National Telecommunications Commission.

Kesyo hindi umano siya kasali sa anumang destab plot at nanniwala siya na wala talagang “polvoron video.”

Mabilis pa sa kidlat na kumasa ang Malakanyang sa hirit na meeting ni Digong kay Marcos Jr.

Marami ang nag-aabang sa paghaharap nina Digong at Marcos Jr. at inaasahan na ang kani-kanilang interes sa politika ang pangunahing agenda ng kanilang pag-uusap.

Sa huli nilang meeting matapos makipagkita sj Digong kay Chinese President Xi Jinping noong nakaraang taon, kapuna-puna na lalong naging agresibo ang China sa pambu-bully sa Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Lalo rin umigting ang pagkalkal sa confidential and intelligence funds ni VP Sara hanggang sa tuluyan nang mawala sa 2024 budget.

May maaasahan ba tayong pakinabang sa kanilang muling paghaharap?

Taumbayan ang laging kulelat sa pag-uumpugan ng mga interes ng mga politiko dahil kahit minsan ay hindi kasama ang ating kapakanan sa kanilang agenda.

Ang pinakamainam na gawin ng mga mamamayan ay manindigan sa kung ano ang tama at naaayon sa batas, at hindi pumabor sa kanino mang politiko na ang tanging hangarin ay walang hanggang pakinabang sa kapangyarihan at kaban ng bayan.

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *