Binatikos ni ACT Teachers Representative at Deputy Minority Leader Antonio Tinio ang pahayag ng Malacañang na walang alam si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa umano’y ₱24-bilyong “leadership fund” na nakapaloob sa 2025 DPWH budget, tinawag niya itong “lubos na hindi kapani-paniwala.”
“Ang Pangulo ang naghanda at pumirma sa 2025 national budget. Hindi basta sumulpot ang ‘leadership fund’—dumaan ito sa buong proseso ng budget sa ilalim ng kanyang pamumuno at nilagdaan niya. Ang pagsasabing wala siyang alam ay insulto sa katalinuhan ng sambayanang Pilipino,” ani Tinio.
Idinagdag pa niya na ang naturang pondo ay isinama na sa BBM parametric formula bago pa man ang 2025, at isa sa mga batayan ng impeachment complaint laban kay Marcos na inihain ngayong taon.
Ayon kay Palace press officer Claire Castro, hindi papayagan ng Pangulo ang naturang iskema kung nalaman niya, at karaniwang “palihim” ang mga ganitong usapan.
Ngunit giit ni Tinio, si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan—na nagpahayag sa Sandiganbayan na lahat ng senador noong 2024 ay nakatanggap ng hindi bababa sa ₱500 milyon mula sa leadership fund—ay alter ego ng Pangulo.
“Si Bonoan ay itinalaga ni Marcos at nagsilbi bilang miyembro ng kanyang Gabinete. Hindi lohikal na isipin na ang ₱24-bilyong discretionary fund ay naipatupad sa DPWH nang hindi alam ng mismong nagtalaga sa Kalihim. Ang alter ego ay kumikilos para sa principal. Hindi maaaring maghugas-kamay ang Pangulo,” aniya.
“Sa ganitong mga sitwasyon kaya binigyan ng veto power ang Presidente bilang check laban sa abuso. Kaya hindi katanggap-tanggap ang pagsasabing wala siyang alam sa ‘leadership fund’ dahil tungkulin ng Pangulo na alamin ito,” dagdag ni Tinio.
“The President signed this budget. His alter ego implemented it. No amount of hand-washing by Malacañang can erase that fact. Accountability must be shouldered by those who allowed this monumental betrayal of public trust to happen,” pagtatapos ni Tinio. # (RRN)