Tinawag ni ACT Teachers Representative at Deputy Minority Leader Antonio Tinio na insulto sa transparency ang pananatili ng ₱4.55 bilyong confidential at intelligence funds (CIF) sa panukalang 2027 budget ng Office of the President (OP), na bumubuo sa 44.9% ng kanilang pondo.
Binigyang-diin ni Tinio na ang halagang ito ay halos kalahati ng kabuuang CIF ng buong gobyerno.
“Bakit halos kalahati ng buong confidential at intelligence funds ng buong bansa nasa kamay ng Office of the President? Alinsunod ba ito sa transparency at good governance?” tanong ni Tinio.
Iginiit niya na masyadong halata ang double standard sa kasalukuyang political landscape, na si Vice President Sara Duterte ay nakasalang sa impeachment trial at pagbusisi sa hindi tamang paggasta sa kanyang confidential funds.
“Ngayon, nakasentro ang atensyon ng publiko sa impeachment ni VP Sara at sa pagbusisi sa kanyang confidential funds. Tama lang na panagutan niya ang mga anomalya. Pero hindi pwedeng may double standard. Kung siniyasat natin nang ganito katindi ang ₱612.5 million na CIF ng OVP at DepEd, papasa kaya ang Office of the President sa ganong klaseng scrutiny kung ₱4.55 billion ang secret funds niya at walang malinaw na pinagkagastusan na maipapakita sa publiko?” usisa ni Tinio.
“Hindi lang naman ang OVP ang dapat sumailalim sa mahigpit na pagsisiyasat. Dapat pantay-pantay ang pamantayan. Kung ang ₱612.5 million ay inimbestigahan at naging batayan ng impeachment, paano pa ang ₱4.55 billion na pumapasok sa OP taon-taon na walang sapat na transparency?” dagdag niya.
Nanawagan ang kongresista para sa tuluyang pag-abolish ng mga lihim na pondo upang ilaan sa mga serbisyong panlipunan.
“Yan naman ang panawagan natin ever since, na dapat i-abolish ang confidential and intelligence funds. Wala dapat confidential sa budget, dapat transparent lahat. May mga ibang paraan para pangalagaan yung security concerns sa paggamit ng pondo,” giit niya.
“Tapos yung pondo na yan ay gamitin para sa agrikultura, social services, education, and so on,” wika ng kongresista.# (RRN)