Sat. Aug 22nd, 2026

Kinompirma ni Atty. Reginald Tongol, Impeachment Court spokesman, nasa listahan pa rin ng 27 testigo ng prosecution si Army Col. Raymund Dante Lachica sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa kanyang pagharap sa impeachment trial bilang hostile witness ng prosecution, inamin ni dating Office of the Vice President (OVP) Special Disbursement Officer Gina Acosta na naglabas siya ng kabuuang ₱500 milyon na confidential funds noong 2022 at 2023 at ibinigay kay Lachica, alinsunod sa utos ni VP Sara.

Mula noong Oktubre 2024 na unang isiniwalat ni Acosta sa House probe ang pagtanggap ni Lachica ng OVP confidential funds ay iniimbestigahan na sila ni dating VPSPG deputy chief Col. Dennis Nolasco ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ngunit makalipas ang halos dalawang taon, wala pa ring resulta ang pagsisiyasat.

Sa panayam sa DZBB, inihayag din ni Tongol na posibleng umabot hanggang Pebrero 2027 ang  impeachment trial batay sa kasalukuyang schedule pero maaaring mas mapadali kung magkakasundo ang prosecution at defense panel na bawasan ang presentasyon ng mga saksi at  mga dokumento.

“The impeachment court is just reliant on the parties,” aniya kasunod ng panawagan ni VP Sara na madalaiin na ang impeachment proceedings sa gitna ng diskusyon sa posibleng pagpalit ng trial schedule. # (RRN)

 

By admin