Fri. Sep 4th, 2026

Duda ang House prosecution panel na posibleng pain o patibong sa kanila ng Office of the Vice President si dating VPSPG chief Col. Raymund Lachica kaya hindi na nila ito ipiprisinta bilang “hostile witness.”

“Last week, kung mapapansin ninyo, nagbigay ng statement itong si lachica. Ang sabi niya, na willing siya na magprisinta.

Napansin namin ang kumuha doon, ay ang Office of the Vice president so lalo kaming nagduda sa kung ano ang kaniyang sasabihin dahil baka mamaya ito ay maging pain,” sabi ni House prosecutor at Manila 3rd District Rep. Joel Chua sa panayam sa programang Sa Totoo Lang sa One News.

“So bakit ka maglalagay ng testigo, kung sa tingin mo naman ay hindi ito makakatulong sa inyo?” dagdag niya.

May pagkakataon pa naman aniya ang defense panel na iprisinta si Lachica bilang testigo at isasailalim na lang siya ng prosecution panel sa cross-examination.

Si Lachica ang itinuro ni dating OVP special disbursing officer Gina Acosta na binigyan niya ng daan-daang milyong pisong confidential funds, base sa utos sa kanya ni VP Sara Duterte.

Habang ang self-proclaimed bagman ni VP Sara na si Ramil Madriaga ay hindi naman nabanggit sa impeachment trial kaya hindi na rin siya ipiprisinta bilang prosecution witness.

“Wala pa naman doon siya sa kwento. Kumbaga, whether ipasok siya o hindi, hindi naman makakadamage sa testimonya or sa mga ebidensiya na nai-prisenta naming,” lahad ni Chua.

Nauna rito’y inihayag ni Prosecution Spokesperson Ace Barbers na hindi nila ihaharap bilang mga hostile witness sina Lachica, Madriaga at Col. Dennis Nolasco, dating security officer ng DepEd.

Naniniwala ang prosecution na sapat at matibay na ang mga ebidensya at mga testigong naiprisinta nila para patunayan ang umano’y pagwawaldas sa confidential funds ng OVP at DepEd. # (ROSE NOVENARIO)

By admin