Thu. Nov 5th, 2026

Tinawag na “puro drama” ni dating ACT Teachers Party-list Representative France Castro ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na hindi ito ligtas sa Pilipinas, at sinabing walang karapatan ang ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa na magpa-biktima.

Reaksyon ito ni Castro matapos kompirmahin ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. nitong Sabado na walang natatanggap na ulat ang kapulisan ukol sa anumang banta sa buhay ng Bise Presidente o ng kanyang pamilya.

Ayon kay Nartatez, bagaman sinabi ni Duterte na nakadokumento ang mga pagbabanta mula pa noong 2023, wala itong pormal na inireulat sa PNP.

Binigyang-diin ni Castro ang matinding ironya sa sitwasyon.

Aniya, ang pamilya Duterte ang dating nagbabanta sa mga kalaban sa politika at nagpatupad ng “Tokhang” at extrajudicial killings (EJKs), ngunit ngayon ay sila na ang nagrereklamong pinagbabantaan.

Idinagdag pa ng dating mambabatas na malayo ang nararanasan ni Duterte sa pinagdadaanan ng mga ordinaryong Pilipino at mga aktibista na inaaresto sa mga gawa-gawang kaso habang ang Bise Presidente ay nagagawa pa ring mag-press conference bago magpiyansa.

Giit ni Castro, ang tunay na biktima ay ang mga pamilya ng pinaslang sa EJK, ang mga nagbabayad ng buwis na winaldas ang pondo, at ang mga mangingisdang itinataboy sa sariling karagatan, at ang nararamdaman umano ni Duterte ay takot sa pananagutan.# (RRN)

By admin