: Former Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang (UST/FB)
Humiling ang House prosecution panel nitong Huwebes ng subpoenas mula sa Senate impeachment court para kay retired Sandiganbayan Justice Amparo Cabotaje-Tang, Office of the Ombudsman Records Division officer-in-charge Karen Batu, at Securities and Exchange Commission Director Gerardo del Rosario, bilang paghahanda sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa susunod na linggo.
Sa kanilang mosyon, iginiit ng panel na “ang testimonya ng mga nabanggit na saksi ay mahalaga, may kaugnayan, at kinakailangan upang patunayan ang mga alegasyon sa ilalim ng Article II ng Articles of Impeachment, kabilang ang mga usapin ng hindi maipaliwanag na yaman, maling Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs), at patuloy na interes sa negosyo.”
Nauna nang sinabi ng mga taga-usig na maaari silang magharap ng 20 hanggang 25 saksi upang patunayan ang alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman, depende kung papayag ang depensa na kilalanin ang pagiging tunay ng libu-libong financial records. # (RRN)