HINDI pinalagpas ni Kabataan partylist Rep. Raoul Manuel ang pagtatanggol ni Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte sa pananahimik ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte sa isyu ng marahas na aksyon ng China Coast Guard laban sa Pinoy frontliners sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Pulong na hindi trabaho ng Bise Presidente o ng Education secretary na batikusin ang China o alinmang bansa.
Buwelta ni Manuel, hindi rin naman trabaho ng Bise Presidente na bigyan proteksyon ang isinakdal na child sex trafficker na si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy at idinaan pa ni VP Sara ang pagtatanggol sa isang video statement.
Kinuwestiyon ng Kabataan partylist solon ang hindi pagbibigay proteksyon ni VP Sara sa soberanya ng bansa.
Nag-ugat ang pahayag ni Pulong sa pagpuna ni Akbayan Party president Rafaela David sa pananahimik ni VP Sara sa tumitinding marahas na pag-atake ng China sa mga Pinoy frontliners sa West Philippine Sea pero aktibong ipinagtatanggol ng Bise Presidente si Quiboloy, na nahaharap sa mga akusasyon ng pagkakasalang sekswal.
Si Quiboloy ay nagsilbing spiritual adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang dating Pangulo ang itinalagang caretaker ni Quiboloy sa mga ari-arian ng KOJC mula ilabas ng Kongreso ang arrest warrant laban sa kanya bunsod ng hindi pagsipot sa mga pagdinig kaugnay sa SMNI at mga umano’y illegal na aktibidad sa kanyang religious organization.
Si Quiboloy ay isa sa mga Most Wanted Person ng US Federal Bureau of Investigation (FBI) sa mga kasong fraud, human trafficking, child sex trafficking , bulk cash smuggling at iba pa. (ZIA LUNA)