MUNTIK nang maghiwalay ang bunsong anak ng isang solon at kanyang mister dahil nasimot ang pinakaiingatang vault ng kanilang pamilya na imbakan ng nakulimbat nilang pera ni Juan dela Cruz.
Malaki raw kasi ang tiwala ni Solon sa kanyang Bunso kaya ito ang nagsilbing tagapangalaga ng “precious vault.”
Ngunit nagwakas ang pagiging katiwala ni Bunso ng isang araw ay binuksan ni Solon ang “precious vault.”
Nabisto na si Bunso pala ay bantay-salakay .
Ang inakalang nasa loob pa ng vault na P200-M cash ay naglahong parang bula at isang milyon na lamang ang natira.
Lalong sumiklab ang galit ni Solon matapos matuklasan na ang kanyang manugang na asawa ni Bunso ang tumodas sa kanyang naipon mula sa mga kickback sa iba’t ibang kontrata sa ilang infra projects ng kanilang lungsod.
Nag-iimpok pala si Solon, na noong panahong iyon ay yorme, para sa kandidatura ng anak na papalit sa kanya sa city hall.
“Ang buong pamilya kasi nila ay addict sa casino kaya pati ang manugang, nahawa na rin,” natatawang chika ng Primera Chismosa sa Monumento.
“Ibig bang sabihin ay iba pa ang pondo nila para sa casino at iba pa yung nasa precious vault?” usisa ng miron.
“Natural. Kaya para siyang tulirong trumpo sa kapapagawa ng mga infra projects para mabawi ang winaldas sa casino ng kanyang manugang,” pagbibida pa ni Primera Chismosa ng Monumento.
Nakadagdag din sa makapal na bulsa ni Solon ang mga kinita niya sa COVID-19 pandemic.
CLUE:
Matapos pakinabangan ang inupahang political strategist sinibak niya ito nang naipakilala na sa kanya ang mga malalaking negosyante na nagbuhos ng pondo para maluklok siya sa unang pagsabak niya bilang yorme.
“Hindi lang pala pera ang ninanakaw niya kundi pati koneksyon ng mga taong tumulong sa kanya,” sabi ng isa pang miron.
Tanong nga ng isang dating sundalo, “Paano kayo yumaman eh wala naman kayong negosyo?”
‘Yun na!