Ilang lugar sa Pilipinas ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa dumaraming kaso ng pertussis tulad ng lungsod ng Iloilo noong Marso 26 at kabuuan ng Cavite noong Marso 27. Nagdeklara naman ng pertussis outbreak ang mga lungsod ng Quezon, Taguig, Pasig, at Lucena, Quezon Province.
Kasama rin na nagdeklara ng pertussis outbreak ang mga lalawigan ng Rizal, Laguna, Batangas, at Quezon. Mayroon nang mahigit 450 na naitalang kaso ng pertussis noong Marso 2024 palang. Kung ikukumpara noong 2023, 23 lang ang dami ng nakaroon ng pertussis sa bansa.
Ano ang Pertusiss?
Ang pertussis, o kilala din bilang whooping cough, ubong-dalahit, o tusperina, ay isang sakit sa sistema ng paghinga (respiratory system) na dulot ng bakteryang Bordetella pertussis. Ito ay maaaring magdulot ng malubhang karamdaman sa lahat ng edad ngunit pinaka-mapanganib para sa mga bata at sanggol.
Sintomas
Panimulang sintomas nito ay sipon, lagnat, at trangkaso. Matapos ang 1 – 2 linggo ay magkakaroon ng matinding pag-ubo na may matinis at ipit na tunog o tinatawag na “whooping sound”. Madalas kasama nito ang pagsusuka pagkatapos ng ubo. Ito ay tumatagal ng 1 – 6 na linggo na pwedeng tumagal pa hanggang 10 linggo. Kadalasang gumagaling nang kusa ang mga may pertussis pagkatapos ng 2 – 4 na linggo mula sa simula ng pag-uubo.
Mas madalas at mas nakamamatay ang mga komplikasyon sa mga sanggol at bata kumpara sa mga mas matanda. Ilan sa mga komplikasyon sa bata ang pagtigil sa paghinga (apnea), pulmonya, pangingisay (convulsions), sakit sa utak (encephalopathy), at kamatayan. Sa mga mas matanda naman, maaaring magkaroon ng pulmonya, pagkabali ng tadyang (rib fracture) dulot ng matinding pag-uubo, pagka-wala ng kontrol sa pag-ihi (loss of bladder control), at pagputok ng ugat sa mata gawa ng malakas na pag-ubo.
Sanhi
Ang pertussis ay isang nakakahawang sakit. Maaari itong makuha kapag nalanghap ang hangin mula sa ubo o bahing ng isang taong may ganitong sakit. Ang taong may pertussis ay pinakamahahawa sa loob ng 3 linggo mula sa umpisa ng pag-ubo.
Ano ang dapat gawin?
Madalas gumaling nang kusa ang mga taong nahawaan ng pertussis. Mabisa lamang ang pag-inom ng antibiotic kapag naibigay ito sa panimulang yugto ngunit hindi na ito nirerekomenda kapag nagsimula na ang malubhang pag-ubo.
Kapag nahihirapan nang huminga, tuloy-tuloy na matinding pag-uubo, at hindi nakakainom ng sapat na tubig ay kaagad na itong ipatignan sa doktor.
Paano ito maiiwasan?
Ang pagbabakuna laban sa pertussis ay nanatiling pinakamabisang paraan para maiwasan ang pagkaroon ng ganitong sakit. Maaaring bakunahan ang mga sanggol simula ng ika-6 na buwan. Ang primaryang serye ng bakuna ay may 3 turok ng DTaP vaccine, at sa bawat turok ay may pagitan ng 4 na linggo. May mga booster din na maaaring ibigay pagkatapos ng primaryang serye para sa dagdag na proteksyon.
Para sa mga kabataan (may edad 13 pataas), 1 dose ng Tdap vaccine ang maaaring ibigay, samantalang ang booster ay ibinibigay kada 10 taon. Nagbibigay naman ng 1 dose kada pagbubuntis.
Umiwas sa maalikabok na lugar dahil possible itong maging dahilan ng matinding pag-uubo. Hindi din nirerekomenda ang paginom ng mga cough suppressants dahil maliit lamang ang epekto nito para mabawasan ang matinding pag-uubo.
Bantayan ang mga senyales ng dehydration o kakulangan ng tubig sa katawan tulad ng pagkauhaw, kulay dark yellow ang ihi, panunuyot ng labi at dila, panankit ng ulo, constipation, pagkapagod at pagkahilo. Sa mga sanggol naman ay tignan kung iritable, kaunti o walang luha kapag- umiiyak, at kung lubog ang mga mata.
Pagtatakip bibig kapag umuubo, pagsuot ng face mask at paghuhugas ng kamay ay mga mahahalagang paraan para maiwasan ang pagkahawa ng pertussis gayundin ang pagkalat nito. | mula sa Council for Health and Development Facebook page