Sat. Nov 23rd, 2024
Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte

“TOP hotspot” sa drug-related killings ang Davao City , ayon sa ulat ng Dahas Project ng University of the Philippines Third World Studies Center.

Ang mga patayan, ayon sa Dahas,  nitong mga nakaraang linggo ay nakadagdag sa mahigit 15 kaso ng drug-related killings na naganap noong Enero 2024.

Noong nakaraang buwan ay inianunsyo ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte ang kanyang kampanya kontra illegal drugs, parehong estratehiya na ipinatupad ng kanyang amang si Rodrigo Duterte mula nang magsilbing alkalde ng siyudad hanggang maging pangulo ng bansa mula 2016 hanggang 2022.

May pitong drug suspect ang napatay sa mga police operations sa loob ng halos isang linggo matapos ang ideklara ni Baste ang kanyang “war on drugs” sa Davao City.

Ang pagkabigo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ipatigil ang marahas na anti-drug operations ng mga awtoridad ang nagpalakas ng loob ng mga local na opisyal ng pamahalaan gaya ni Baste, sabi ng Human Rights Watch (HRW).

“The new spate of killings in Davao City and elsewhere shows that President Marcos has not done enough to end the ‘drug war,’” ayon kay Bryony Lau, deputy Asia director ng HRW.

Ayon sa Dahas, ang Davao del Sur, ang lalawigan na nakasasakop sa Davao City,  ang may pinakamaraming naganap na drug-related killings  fatalities sa buong Pilipinas, kabilang ang Metro Manila, mula nang maluklok si Baste bilang alkalde noong Hunyo 2022.

Limampu’t tatlo sa naitalang 342 patayan mula 1 Hulyo 2022 hanggang 30 Hunyo 2023 ay nangyari sa Davao del Sur, kompara sa 44 killings sa Cebu at 43 sa Metro Manila sa parehong panahon.

“The sad reality is that these killings never ended, and the thousands of victims and their families in Davao City and elsewhere struggle without a remedy or justice,” sabi ni Lau.

Sa kabila ng pahayag ni Marcos Jr. na ang kanyang anti-drug campaign ay nakatuon sa rehabilitasyon, nagpapatuloy pa rin ang patayan dahil nananatiling polisiya ng estado ang drug war, ayon pa sa HRW.

Sinabi ng Dahas na sa katunayan ay mahigit 600 drug-related killings ang naganap mula maluklok sa Malakanyang si Marcos Jr. noong Hunyo 2022.

Giit ng Dahas, ang mga lokal na opisyal gaya ni Baste ay hindi mangingiming bigyan katuwiran ang pagpatay sa umano’y drug dealers at users hangga’t hindi ipinag-uutos ni Marcos Jr. ang pagpalit ng polisiya upang tuldukan ang patayan at panagutin ang mga nasa likod ng “unlawful deaths.”

“The Marcos administration needs to take stronger action to demonstrate that the ‘war on drugs’ is officially over,” ani Lau. (ZIA LUNA)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *