HABANG papalapit ang May 2025 midterm elections ay lalong umiinit ang tunggalian sa politika sa Las Pinas City lalo na’t magkalaban ang pamilyang Aguilar at Villar na magkamag-anak.
Si Sen. Cynthia Villar ay bunsong anak sa anim na anak ng naging alkalde ng lungsod noong dekada ’60 na si Filemon Aguilar Sr., pero kung umasta raw ay parang siya ang panganay.
Lahat ng nakatatandang kapatid ay hindi umano inirerespeto at sinisigaw-sigawan raw kahit sa harap ng maraming tao.
Tulad na lamang umano sa ginawa ng senadora sa yumao niyang kuya na si dating Las Pinas Mayor Vergel “Nene” Aguilar na hindi na sila nagkabati hanggang sa pumanaw ang alkalde noong Agosto 2021.
Ayon sa mga residente ng siyudad, naging maayos at kapuri-puri naman ang 18 taon na pamumuno ni Mayor Nene kaya’t libo-libung Las Piñaros at mga kaibigan sa iba’t ibang sulok ng bansa ang nakiramay at nagbigay ng respeto sa pamilya Aguilar nang yumao ang alkalde.
Subalit maraming kilalang mga politiko at kaibigan ng pamilya Aguilar ang nagulat at nagtaka nang mabatid na hindi nagbigay ng respeto at sumilip sa burol ang bayaw ni Mayor Nene na si dating Sen. Manny Villar, ang pinakamayang negosyante ngayon sa bansa.
Bukod pa sa hindi pagbisita sa burol ni Mannny , hindi rin siya nakipaglibing at maging kanyang esposang si Sen. Cynthia at isa pang kapatd ni Mayor Nene na si Bess Aguilar-Masangkay.
Napag-alaman na si Mayor Nene ang tumulong at nagbigay ng financial support kay Masangkay nong tumakbo itong mayor ng Muntinlupa City, pero dalawang beses natalo.
Inilagak ang labi ni Mayor Nene sa mausoleum ng pamilya Aguilar sa Golden Haven Memorial Park sa Las Pinas, na pagmamay-ari ng pamilya Villar.
Dalawang buwan pa lamang mula mailibing si Mayor Nene, gusto na raw agad na ipa-cremate ni Sen. Cynthia ang labi ng yumao para mailipat sa ibang lugar sa loob din ng sementeryo.
Dahil labag sa kalooban ng pamilya Aguilar, sa pangunguna ng may-bahay ni Mayor Nene na si kasalukuyang Las Pinas Mayor Mel Aguilar , hindi sila pumayag na i-cremate ang labi ng yumao.
Makalipas ang isang taon, bumili ng sariling lupa sa loob din ng Golden Haven ang pamilya Aguilar at nagpagawa rin silang mausoleum at inilipat ang labi ni Mayor Nene ng hindi nai-cremate. Binayaran ng mga Aguilar ang lupa ng walang diskuwento.
Bago pa man yumao si Mayor Nene, isinulong niya ang proyekto ng kanyang administrasyon – ang reclamation project sa Manila Bay na magbibigay ng libu-libong trabaho sa mga residente at magpapalago ng kita ng lungsod kada taon.
Ang reclamation project, ayon kay Mayor Nene, ay hindi magdudulot ng malaking pinsala sa kapaligiran at pagbaha, taliwas sa pangamba ng kanyang kapatid.
Bukod sa verbal na pagkontra ng senadora, naghain pa ito ng kaso sa korte para hindi matuloy ang reclamation project.
Kalaunan ay natalo sa kaso si Sen. Cynthia dahil kinatigan ng Supreme Court ang project proponent ng P103. 8 billion Las Pinas- Paranaque Costal Bay Reclamation project.
Malaki ang agwat sa edad nina Mayor Nene at Sen. Cynthia pero binalewala umano ito ng senadora.
Dito nagsimula ang lamat at hidwaan ng mga Aguilar at Villar dahil hindi raw matiis ng mga anak ng alkalde ang pang-aapi na ginagawa ng senadora sa kanila.
Kahit ang dating Las Pinas Vice Mayor noong panahon ni Mayor Nene na si Louie Bustamante ay paboritong ‘suhetuhin at displinahin’ ni Sen. Cynthia dahil isa raw itong chain smoker at alcoholic na laging umiinom ng alak sa loob ng kanyang opisina sa city hall.
Ang senadora pa mismo ang umano’y nagbalita sa mga tao sa mga ginagawang bisyo ni Bustamante.
Pero biglang nag-iba ang ihip ng hangin, si Sen. Cynthia mismo ang kumuha kay Bustamante para maging vice mayor ni Carlo Aguilar ngayong May elections.
Kinain nga ba ng senadora ang kanyang “paninira” kay Bustamante at naging magkasama sila ngayon sa Tropang Villar, dahil wala ng gustong sumamang politiko sa kanya bunsod ng kagaspangan ng kanyang ugali na nasaksihan ng madla sa mga nag-viral niyang videos? (ITUTULOY)